Kase nga, ito 'yung madalas mong sisihin sa klase lalo na 'pag recitation.
"Ano po Ma'am eh, uhmm.. nasa dulo po ng dila ko."
Madalas mong sagot 'pag binigyan ka ng definition at pinapahanap sayo 'yung term.
"Tsk. Alam ko 'yan eh. Nasa dulo ng dila ko eh."
Sinasabi mo kapag may naalala kang kanta at sinusubukan mong hanapin 'yung title.
"Ano nga 'yun? Ano 'yun eh.. Nakalimutan ko. Nasa dulo ng dila ko eh."
Sinasabayan mo pa ng kamot ng ulo pag nagustuhan mo 'yung kinain mo dahil parang natikman mo na pero hindi pa talaga.
"Lasang ano.. Lasang.. Masarap eh. May kalasa talaga.. Nasa dulo ng dila ko."
Kapag ipipilit mo pang alam mo ng 'yung isang bagay pero 'di mo naman masabi kung ano 'yun..
(Katulad ng pagsusumikap ko kanina sa paghanap ng salitang hindi ko rin naman alam kung anong kahulugan.)
"'Yung ano 'yun eh. 'Yuuungg.. Nakalimutan ko tuloy. Nasa dulo na ng dila ko eh."
Siguro kung may parte ng katawan natin 'yung may mas maraming pang impormasyon na nalalaman kaysa utak natin eh malamang, 'yung dulo na ng dila natin 'yun.
Di lang basta impormasyon, kundi itinatagong impormasyon. 'Yung mga bagay-bagay na hindi mo masabi pero alam nito.
'Yung mga salitang saktong-sakto sana para dun sa mga pangungusap na nabuo mo nung mga panahong kailangang-kailangan mo 'yung mga salitang 'yun dahil nasa pagitan ka ng buhay at kamatayan.
'Yung mga paliwanag na hanggang buntong-hininga na lang kase pakipot talaga 'tong dulo ng dilang 'to na ibulalas sa iba 'yung maganda at kamangha-mangaha mo sanang mga ideya.
Sayang.
Sayang talaga.
Kaya subukan nating alamin kung ano 'yung mga itinatago ng ni Ka Dulo ng Dila at kung bakit sinisisi mo siya sa mga bagay na hindi mo naman talaga alam..
'Yung mga bagay na alam mo pero hindi.
'Yung mga bagay na hindi mo alam pero gusto mong malaman.
At alam mo kung ano 'yung unang-una sa mga 'yun?
'Yun 'yung..
Nakalimutan ko. Nasa dulo na naman yata ng dila ko.